Campus News and Updates
Pista at Literatura Year 5 Matagumpay na Idinaos
Matagumpay na idinaos ng mga mag-aaral sa ika- lima at ika- anim na baitang gayun din ng mga hayskul ang Pista at Literatura noong ika- 27 hanggang 28 ng Agosto. Sa ika- limang taon ng Pista at Literatura ay hinati muli sa ibat-ibang pangkat ang mga mag-aaral sa intermidyet at hayskul na siyang naging mga kasapi ng bawat barangay na nagtagisan sa galing at talino sa maraming mga paligsahan. Ngayong taon, ang naging tema ng bawat barangay ay ang mga makukulay at makasaysayang pista o festival sa mga lalawigan at bayan ng Bicol Region.
Nagpagandahan ng kani-kanilang booth ang bawat barangay, gayun din sa mga inihandang pagtatanghal na kultural na lubhang hinangaan at pinalakpakan ng mga manonood. Naging makulay ang pagdiriwang dahil sa mga kasuotang Filipiniana at Barong Tagalog na isinuot ng mga mag-aaral. Pinarangalan ang mga hinirang na Best in Filipiniana at Barong Tagalog.
Nagsalu-salo sa pananghalian ang mga mag-aaral, guro at bisitang nagsidalo. Samantala, nanumpa sa kani-kanilang katungkulan ang mga bagong halal na pinuno ng APMI-SSG sa elementarya at hayskul.
Tinanghal na Pinakamagandang booth ang ginawa ng mga taga Barangay Magayon, gayun din nakamit nila ang Pinakamasarap na Lutuing Pilipino. Barangay Penafrancia naman ang nagwagi ng Best Cultural Presentation subalit ang itinanghal na Pangkalahatang Kampeon sa taong ito ay ang Barangay Magayon.




Show all news